8 - Calla Lily
KANINA pa siya naiinis sa mga tingin na
ipinupukol sa kanya ng lola Grasya niya, alam niya ang ibig ipahiwatig nito sa
mga tingin nito at ayaw niyang sakyan ang kung anuman na nasa isip nito. At nang
hindi makatiis ay iniligpit niya ang kanyang pinagkainan at dinala sa sink upang
hugasan.
Ilang araw na ganito ang lola niya
magmula ng ihatid siya ni Nicolo sa bahay pagkatapos ng kanilang set-up slash
blind date. First time kasi siyang nagpahatid sa bahay, medyo ginabi rin kasi
sila dahil sa dami ng kanilang pinag-usapan. Masaya at masarap kausap si Nico
kaya nakalimutan niya kung anong oras na. At kahit na tinanggihan niya ang
offer nito na ihatid siya ay nagpumilit ito, baka raw kung ano ang mangyari sa
kanya sa daan. At dahil mukhang magkaibigan naman sila kaya tinanggap nalang
niya ang offer nito lalo pa at convenient sa knaya iyon.
Kaya lang iba ang tumatakbo sa isip
ng kanyang lola kaya mas lalo siyang naiinis. Naiinis siya dahil baka umaasa
ito ng higit pa mula kay Nico at sa kanya, na impossibleng mangyari dahil may
nililigawan iyong tao. At saka kaibigan niya si Yumi na ex-girlfriend ng
binata. Walang talo-talo, ang pangit din yatang tingnan—at bakit niya iniisip
ang bagay na iyon?
“Apo--.”
“Alis na ako lola, bye.” Mabilis na
hinalikan niya ang lola sa pisngi at hindi hinayaan na magsalita. Mas safe siya
kapag walang topic na binuksan ang lola niya tungkol kay Nicolo dahil maging
siya ay kakaiba na ang nararamdaman para sa binata.
Mabilis niyang narating ang Bloom
Stations, nandoon na si April at abala sa pagsasalansan ng mga bagong dating na
mga bulaklak. Bumati ito sa kanya.
“Ate, ang mga bagong delivers na
calla lily dinala na sa simbahan ng mga suppliers. Ikaw nalang ang hinihintay
nila doon.” Paalala ng assistant sa kanya.
“Pupunta na talaga ako dumaan lang
ako dito para icheck kung okay ka na bang iwanan dito.” Sumimangot itong bigla.
“Ate Pam, ilang taon na akong
assistant mo wala ka pa ring tiwala sa akin.” Pagtatampo nito.
“Tiningnan ko lang kung dumating na
ang mga calla lilies, itong batang ito hindi na mabiro at saka nakalimutan ko
ang cellphone ko. Hindi ako pwedeng umalis ng wala ito.” Kinuha niya ang
cellphone na nakatago sa loob ng kanyang drawer. “And don’t call me if hindi
naman talaga importante, kapag may naghahanap sa akin sabihin mo I am busy.”
“Hinahanap ka ni kuya Nico ate,
ilang days na rin siyang pabalik-balik dito.”
Iniwas niya ang tingin mula kay
April dahil mabilis makasagap ng aura ang kasama baka may masagap itong kung
ano mula sa kanya.
“Kausapin mo lang, business as
usual. Huwag mo nalang patungan ng ilang porsyente ang tax niya dahil baka
magsumbong iyon sa lola niya at magsumbong kay lola. Mahirap nang matrimbe pa
tayo sa BIR. Si Earl nalang ang patungan mo ng tax.”
“Iba ang pa-.”
“At kung bibili siya ng bulaklak
tapos magtatanong kung ano ang meaning ng bulaklak na napili niya, buksan mo
lang ang blog natin. Itype mo ang name ng flower at nandoon na ang lahat ng mga
meanings. Gandahan mo rin ang pagpepresent ng mga flowers para magka-chance
naman iyon ng kaunti kay Yumi.” Kunwari ay tumingin siya sa kanyang suot na
relo. “I need to go bago pa malanta ang mga calla lilies.” Wala na itong
nahabol na salita dahil mabilis na siyang nakalabas ng Blooms.
HABANG
naglalakad palabas ng Subdivision ay napadaan siya sa basketball court na
sobrang ingay ng mga oras na iyon.
“I-shoot mo! I-shoot mo na ang
ball!” bigla siyang natawa sa linyang iyon. Okay sana kung babae ang gumagamit
ng mga salitang iyon dahil mas cute pakinggan, kaso mga lalaki na ang barako ng
boses ang paulit-ulit na sumisigaw ng cheer. No wonder hindi matahimik ang
court dahil panay ang tawa ng mga nanonood.
“Ang hina mo naman pare, dapat
magpasikat ka naman, walang hiya ka matatalo pa yata tayo sa pustahan. Sayang
ang twenty-pesos, pang-corneto na iyon.” Reklamo ng isa sa mga kapitbahay nila.
Iisa lang ang basketball court sa kanilang subdivision kahit na nahati iyon sa
apat na Ville. Nasa pinaka-center ang court katabi ang malaking clubhouse na
may swimming pool kung saan nagaganap ang mga homeowner’s meeting at mga
parties ng subdivision nila.
“Huwag kang magulo nakita mong
nagco-concentrate ang tao.” May kung anong bumundol sa dibdib niya nang marinig
ang pamilyar na boses na iyon. Tumingkayad siya upang malaman kung tama ba ang
kanyang hinala, ang dami kasing tao kaya hindi siya makasilip.
“Ishoot mo na!”
“Sandali nga lang.”
“Ipasok mo na Nicolo.” Tumira si
Nicolo pero sumablay iyon sa ring at kunot-noong bumaling sa isang kapitbahay
nila na nagnga-ngalang Francis. “O, bakit?”
“Kadiri ka Francis, nakakadiri kang
pakinggan.” Kumunot lang ang noo ni Francis dahil nagtaka sa sinabi ni Nico.
Tumawa din siya dahil nagets niya ang ibig ipahiwatig ni Nicolo sa ka-team mate
nito. Oo nga naman, kung wala siguro ang mga ito sa basketball na maraming tao
at nasa isang secluded area tapos mariringgan mo ng ‘Ishoot mo na at ipasok mo
na’ line siguradong iba ang iisipin.
Kung kanina ay nagmamadali siya
ngayon ay tila napako siya sa kalsadang iyon, gusto kasi niyang manood at
malaman kung may chance ba ang team ni Nico na Manalo. Muling bumalik ang ito
sa paglalaro, muling ibinato kay Nico ang bola, nasa kabilang panig ito ng
court kung saan kaharap siya. Mag-la-lay up na ito ng biglang dumako ang mga
mata sa kanya. Ngumiti siya at nag-wave dito, nakatingin lang ito sa kanya at
ishinoot ang ball.
“Points!” sigaw ng teammates ng
lalaki dahil naipasok nga nito ang bola sa ring. Dinamba ito ng mga kasama pero
sa kanya pa rin ito nakatingin. Hindi pa rin mawala ang ngiti sa kanyang labi
kasabay ng pag-thumbs up upang sabihin dito na magaling ang ginawa nito.
Ngumiti din ito sa kanya na naging dahilan kung bakit napapalingon ang mga tao
sa kanya, sa knaya lang dahil wala naman siyang ibang kasama doon. Namumulang
nagwave uli siya dito bilang pamamaalam at mabilis na nilisan ang harap ng
basketball court.
“Kinabahan ako doon ah.” Mahinang
tinapik-tapik niya ang kanyang puso dahil may sarili na iyong buhay. Feel na
feel pa nga niya ang lakas ng tibok ng kanyang puso. “Makapagtrabaho na nga,
para sa ekonomiya.”
Nawala ang bigat sa balikat niya at
pakiramdam niya ay may kung sayang pumalibot sa kanyang buong pagkatao.
Nakakapanibago ang kanyang pakiramdam, parang pamilyar sa kanya na parang
hindi. Kaya siguro ng makarating siya sa simbahan ay parang hangin lang sa
kanya ang mga Gawain. Kahit na ang mga staff ng suppliers ay nagtataka sa kanya
dahil nangingiti at tumatawa lang siya ng mag-isa.
“Aba, inspired si ma’am.” Biro ng
tumutulong sa kanya sa pag-aayos ng mga Calla lilies sa malaking vase. “In
love.”
“Masaya lang in love na agad? Hindi
ba pwedeng maganda ang gising ko ngayon?” nakangiting tanong niya.
“Kakaiba kasi ang glow niyo ma’am
Pamela, wala naman po kayong make-up pero ang ganda-ganda niyong tingnan at
nakakahawa ang ngiti niyo.”
“Ay, normal talaga iyan sa business.
Umeepekto na yata ang BB cream na gamit ko, no make-up look iyan pero may
make-up talaga ako para mas maganda akong tingnan. Kunwari ay natural look kuno
ako.” Biro niya. Of course wala siyang in-apply sa mukha niya dahil ayaw niyang
manlagkit at pagpawisan ng husto. Ayaw lang niyang may ibang isipin ang mga
taong ito.
“Parang may nag-iba talaga.” At
mukhang wala siyang balak lubayan ng mga ito.
“Mas lalo talaga akong gumanda ngayon
kaya.”
“Sige bolahin niyo pa ako,
gustong-gusto ko kapag sinasabihan akong mas lalo akong gumaganda.” Sakay niya
sa kausap na ikinatawa ng mga ito. Napapangiti na lang rin siya sa kanyang
sarili, dahil kahit siya ay hindi niya masabi ang dahilan kung bakit masaya
siya ngayon. Kung bakit hyper na hyper ang feeling niya dahil may bahagi pa rin
ng utak niya na nagsasabing hindi tama.
“THOSE flowers are beautiful.” Napasinghap siya ng marinig ang boses
ni Nicolo, napatingin siya dito sa pagitan ng mga sobrang calla lily na bitbit
niya. “Ano ang tawag diyan?”
“Calla lily.”
“Iyan pala ang calla lily.”
Napatingin siya sa hawak nito. May bitbit itong paperbag ng mga tinapay na
galing sa bakeshop ni Yumi. Lihim siyang napabuntong-hininga dahil may unknown
feeling na naman na pumasok sa utak niya at nadeliver sa puso niya.
“Galing ka kay Yumi?”
Napatingin ito sa hawak nito.
“Nagkayayaan ang mga kalaro ko sa basketball kong kumain ng tinapay dahil
nanalo kami sa pustahan.”
“Congratulations.” Bati niya dito.
“Busy ka?” tumango siya sa tanong
nito. “Kailan ka hindi busy?”
“Bakit?”
Napakamot ito ng ulo. “Yayain sana
kita sa opening ng shop namin, bukas ng hapon ang ribbon cutting.”
“Hindi ba nagsoft opening na kayo?”
“Yup, pero sabi ni Earl mas maganda
talaga iyong formal ang opening at may ribbon cutting pampaswerte sa negosyo.”
“Sabagay.” Napatingin siya sa
kanyang nilalakaran. “Anong oras?”
“Pupunta ka?” masayang tanong nito.
“One p.m.”
“Okay, I’ll be there.” Kinuha nito
sa kanya ang mga bulaklak na bitbit niya at ipinalit ang paperbag na may lamang
tinapay sa bisig niya.
“Ako na ang magdadala ng mga
flowers, saan ka ba pupunta ngayon? Sa bahay niyo o sa Blooms?”
Balak sana niyang i-uwi sa bahay ang
mga bulaklak pero naalala niyang nandoon ang lola niya kaya nagbago siya ng
isip. Hindi pwedeng makita ng kanyang lola si Nico na hinahatid siya dahil baka
ano na naman ang pumasok sa mapaglarong isipan n’on. At kapag tumanggi naman
siyang magpahatid ay siguradong magtataka ito at mas sigurado siyang hindi
papayag ito.
“Sa Blooms.”
Habang naglalakad sila ay biglang
sumagi sa isip niya ang panliligaw nito kay Yumi. “Uhm, kumusta ang panliligaw
mo kay Yumi?” sinilip niya ito sa pagitan ng mga bulaklak. Tumahimik ito at
biglang sumeryoso kaya nakagat niya ang kanyang mga labi.
“Sa tingin mo may pag-asa pa ba ako
kay Yumi?”
Napabuntong-hininga siya. “Do you
want a serious answer? Walang halong biro at negosyo?” kumunot ang noo nito sa
tanong niya pero hindi naman sumagot. “Sa totoo lang Nico wala ka na talagang
chance kay Yumi. I think she’s falling for Howard, scratch that, mahal na yata
niya ang kapitbahay natin na iyon. At saka matagal na rin na nakabakod si
Howard kay Yumi. Sa ganda ng kaibigan ko at sa tagal na single siya,
nakakapagtakang ilang taon din siyang single hindi ba? Magaling talagang
mambakod ang isang iyon. Sabi ko nga minsan, iyong mga torpe sila iyong mas
malakas mambakod dahil iyong hindi nila nasasabi sa harap ng taong gusto nila
ay nagagawa nila kapag hindi nakatingin iyong gusto nila sa kanila.” Mahabang paliwanag
niya.
Pero nakakunot pa rin ang noo nito. “Bakit
may halong negosyo?” sa haba ng sinabi niya ay iyon lang ang nasabi nito?
“Business woman ako kaya ipupush
kitang manligaw kay Yumi dahil sa akin ka bumibili ng mga bulaklak, sayang din
ang kikitain ko sa iyo at sa panliligaw mo.” nag-isang linya ang mga labi nito
sa kanyang sagot. “Uy, huwag kang magalit kahit kay Earl naman ay ganoon din
ako.” Mas lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo nito. Napabuntong-hininga
nalang siya dahil mukhang hindi na naging maganda ang reaksyon ng mukha nito.
“Sorry.” Hingi nalang niya ng
paumanhin. Hindi talaga maganda ang mga dirty tactics sa negosyo dahil
nagboboomerang sa kanya.
TBC
<3 <3 <3
LOVE,
INANG
Photo CTTO
0 (mga) komento:
Post a Comment